Isang pirma nalang ang kinakailangan at tuluyan nang magiging batas ang kamakailang pinasa ng kongreso na Maharlika Fund. Ito ay isang malaking hakbang para sa bansa dahil ang kaban ng bayan ang nakataya kung ito’y makatutulong o magiging ugat ng suliraning pang ekonomiya ng bansa.
Ang Maharlika Investment Fund (MIF) ay isang pondong pangsoberanya na kung saan ito ay magiging isang pondo ng gobyerno na maaring gamitin ng bansa sa mga panahon ng sakuna at krisis na pang ekonomiya. Ang ideya ng Maharlika Investment Fund ay inukit mula sa mga bansa sa Asya na matagumpay na itinatag ang Sovereign Wealth Funds katulad ng Singapore at Hong Kong. Ngunit hindi katulad ng ibang bansa, ang Maharlika Investment Fund ay hindi patatakbuhin ng sobrang pera at foreign reserves. Sa halip, ito ay popondohan mula sa pera ng taong bayan.
Malaking pera ang kinakailangan upang maisakatuparan ang pagbuo ng Maharlika Fund na kung saan ang gobyerno at Land Bank of the Philippines ay maglalaan ng 50-bilyong piso at Development Bank of the Philippines ng 25-bilyong piso. Sa ngayon, baon sa utang ang bansa ng higit kumulang sa 13.64-trilyong piso at paunti-unting bumabangon pa lamang ang ekonomiya mula sa pagkakalukmok dulot ng pandemya. Sa madaling salita, isang malaking sugal ang Maharlika Fund sa sitwasyong kinahaharap ng bansa.
Sa unang pagpapanukala, ang Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG Fund), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), and Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) ay kabilang sa mga Government-owned and controlled corporation (GOCC)s na nakamandatong mamuhunan sa MIF. Kung ang mga GOCCs na ito ay maging isa sa mga pagkukunan ng pondo para sa MIF, mahihirapan ang gobyerno sa pagbabayad ng kulang na pondo at mapipilitan ang bansa na mangutang. Matapos ang masinsinan na diskusyon, binawi ang desisyong ito sa kadahilanang malaking porsyento ng pensyon ng sambayanan ang maaring maapektohan kung malugi ang MIF.
Malaking suliranin din ang kawalan ng tiwala ng publiko sa paggamit ng pampublikong pondo dahil sa laganap na korupsyon sa bansa. Ayon sa punakalang-batas, pagmumultahin ng lima hanggang 20-milyong piso at haharap sa 20 taong pagkakakulong kung mapapatunayang sangkot sa korapsyon.
Para sa mga ordinaryong mamamayan, ito’y malaking kawalan sa pondong maaring maging panustos sa mga nasa laylayan at sa mga kumakayod para maitawid ang pang araw-araw na pangangailangan. Kung mauunang matugunan ang mga pangangailangan at pagtatag ng konkretong plano sa pagpapaikot ng pera sa bansa, hindi malayo sa imahinasyon ang pagpapatupad ng investment fund. At kung ang mga nangangasiwa sa pondong ito ay tapat at walang bahid ng sakim sa yaman, ito’y magiging isang malaking kalamangan ng bansa sa pangpinansyal na sektor.
Walang masama sa pagkakaroon ng investment fund ngunit sa estado ng pinansyal na mukha ng bansa, mainam na pag-isipang mabuti ang paglalaan ng pondo na kung saan ito’y mabisang gamitin lalo na sa panahon ngayon na mayroon pang mas higit na mahalagang bagay na pagagamitan ng pera ng bayan. Ang planong ito ay kinakailangang pag-isipan, pagplanohan at idadaan sa mabusising talakayan dahil ang halagang nakataya ay pag-aari ng bayan, hindi para sa iilan.