Sa bawat pagsusumikap ng mga ordinaryong manggagawa ay naaalala ang maliit na pag-asa na makaahon sa nakalululang krisis sa ekonomiya at pandemya. Hanggang ngayon, napatutunayan at nahahayag ang walang konkretong aksyon at solusyon ng gobyerno upang matugunan ang panawagan ng mga manggagawa sa aspetong pagtaas ng sahod at ‘di makatarungang sistema sa lipunan. Sa kabila ng mataas na karanasan ng mga manggagawa, nananatili pa rin sa bansa ang mababang sahod at hindi sapat na “minimum wage.” Hayag na hayag ang kasalukuyang uri ng sahod ay malayo na mabigyang pagkatataon na mamuhay nang disente ang bawat pamilyang Pilipino.
Sa paggunita ng Araw ng Manggagawa, ang panawagan na itaas ang sahod at hangaring makatanggap ng makatarungang benepisyo sa trabaho ay kasalukuyang iminumungkahi ng mga manggagawang Pilipino. Walang katapusan ang labanan na idiniriin at inihahain patungkol sa pagtaas ng minimum na sahod. Sa halip na ito’y pagtuunan ng pansin, patuloy na nalilipat ang atensyon sa mga repormang modernisasyon sa imprastraktura sa kabila ng bulok na sistema at sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng matrikula at ng mga bilihin. Kabilang na rin ang pagpapauna sa “pagkakaisa” ng Pilipinas at ng mga dayuhang bansa.
Sa P1,160 na “family living wage” — tiyak na nahahayag ang kasalukuyang estado ng bawat pamilya na ang “minimum wage” ay hindi dapat maging batayan ng “living wage.”
Makikita naman sa mga mata ng mga mag-aaral ang masaklap na katotohanang naghihintay pagkatapos na iginapang ang pag-aaral — ang problema ng kawalan ng seguridad sa hanapbuhay at maliit na benepisyo. Kung kaya, hindi maiiwasan ang desisyong makipagsapalaran sa ibang bansa upang patuloy na makapag-aral si bunso at makapagpahinga si nanay.
Sa ngayon, ang Sandigan ng mga Empleyadong Nagkakaisa sa Adhikain ng Demokratikong Organisasyon o SENADO ay naghain ng isang resolusyon sa senado na naglalayong taasan ang minimum na sahod para sa mga manggagawa upang matugunan ang tumataas na halaga ng mga bilihin at serbisyo dahil sa implasyon, na pumalo na sa 8.7% noong Enero ng taong kasulukuyan. Tinugunan din ang pangamba sa pagtaas ng sahod ay magiging “inflationary” sa pagsasabing wala pang pangkalahatang pagtaas ng sahod sa Pilipinas mula noong 1980s, na hindi rin naman napigilan ang patuloy na pagtaas ng implasyon sa bansa.
Ang buhay ng milyun-milyong manggagawa ay nakasalalay sa makasariling panukala at desisyon ng pamahalaan upang matugunan ang hindi sapat na sahod para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga manggagawang Pilipino. Hanggang ngayon, napapatunayan at nahahayag ang walang konkretong aksyon at solusyon ng gobyerno upang matugunan ang panawagan ng mga manggagawa sa aspetong pagtaas ng “minimum wage” ng bawat ordinaryong manggagawang Pilipino.
Kung kaya, ilang pamilya pa ba ang gugutumin at sa anong konteksto pa ba ang dapat gawin upang mabuhay at maiangat ang uri ng pamumuhay?
Ang buhay ng milyun-milyong manggagawa ay nakasalalay sa makasariling panukala at desisyon ng pamahalaan upang matugunan ang hindi sapat na sahod para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga manggagawang Pilipino. Hanggang ngayon, napatutunayan at nahahayag ang walang konkretong aksyon at solusyon ng gobyerno upang matugunan ang panawagan sa aspetong pagtaas ng “minimum wage” ng bawat ordinaryong manggagawang Pilipino.