“Ang mundo ay impiyernong nababalot ng misteryo’t kasinungalingan. Hindi lahat ng nakikita at naririnig ay makatotohanan.”
Ika-21 ng Setyembre 1972. Naapula ang kalayaan ng Pilipinas nang magsindi ang dating pangulong Ferdinand Marcos ng batas militar. Hindi kumulang tatlong libo ang namatay, bilyones ang naibulsa, at buong bansa ay nabaon sa matinding usok ng bangungot.
Bali-baliktarin man ang mundo, marami man ang nagsasabi na isang bayani si Marcos, hindi kailanman mababago ang kasaysayan na siyang saksi sa hinagpis ng sambayanang Pilipino.
Nakalulungkot isipin na sa paglipas ng panahon, ang noo’y simpleng maling paniniwala lang ngayon ay nagmumukhang katotohanan sa mata ng karamihan.
Ang itago mula sa mga tao ang mga paghihirap na dinanas ng mga Pilipino noong martial law upang malinis ang pangalan ng diktador na Marcos at ang pamilya nito, ang siyang tuluyang nagpapa-abo ng ating kalayaan sa kabila ng ating democrasya.
Ang mga walang kamuwang-muwang sa nakaraan ay malilito kung aling panig ang pakikinggan at paniniwalaan, lalo na ngayong talamak at laganap ang mga maling impormasyon ay walang kahirap-hirap na malilinlang ng “Historical Revisionism” kung tawagin, ang madla.
Kung sana’y hindi lamang tayo tamad magsaliksik upang alamin kung alin ang tama sa mali. Kung baguhin lamang ang bulok na ugaling pagbubukas palad sa mga sulatin na nagpapagaan ng kalooban at isip.
Ang mundo ay impiyernong nababalot ng misteryo’t kasinungalingan. Hindi lahat ng nakikita at naririnig ay makatotohanan. Nawa’y matuto tayong pag-aralan ang mga bagay upang hindi tayo masunog ng kasinungalingan.
Minsan mahirap tanggapin ang katotohanan, ngunit walang ibang paraan kundi kilalanin ito ng buo.
Sa kabilang banda, paano mo nga naman paniniwalaan ang katotohanan na kung sa prinsipiyo’t idolohiya mo ito’y taliwas?
Isa ito sa nakikitang kong dahilan kung bakit karamahihan sa mga panatiko ng pamilyang Marcos ngayon ay nahihirapang lunukin ang mga ebidensyang inilalantad sa kanila tungkol sa mga pagkakamali ni F. Marcos noong martial law, sa kadahilanan na magkatulad sila ng prinsipiyo at idolohiya sa buhay.
Talagang mahirap gibain ang paniniwala ng isang panatiko, dahil mismong mga kamay nito ang tumatakip sa mga mata upang makita ang katotohanan.
Sa panahon ngayon na nanganganib masindihan muli ang bangungot ng nakaraan, hahayaan ba natin ang sarili na masunog ng kasinungalingan habambuhay?
Babalewalain ang mga inosenteng walang-awang pinahirapan at pinatay?
O patuloy na sasambahin ang mga maysala sa likod ng matinding krimen ng bansa?
Isa lang ang sagot ng nakararami, #NeverAgain.